Sunday, March 3, 2013

Bangkang Papel


Bangkang Papel
ni Genoveva Edroza-Matute
           
Nagkatuwaan ang mga bata sa pagtatampisaw sa baha. Ito ang pinakahihintay nilang araw mula nang magkasunud-sunod ang pag-ulan. Alam nilang kapag iyo’y nagpatuloy sa loob ng tatlong araw ang lansangang patungo sa laruan ay lulubog. At ngayon, ay ikalimang araw nang walang tigil ang pag-ulan.
             Ilang maliliit na bata ang magpapalutang ng mga bangkal papel, nariyang tinatangay ng tubig, naroong sinasalpok at inilulubog, nariyang winawasak.
             Sa tuwi akong makakikita ng bangkang papel ay nagbabalik sa aking gunita ang isang batang lalaki. Isang batang lalaking gumawa ng tatlong malalaking bangkang papel na hindi niya napalutang sa tubig kailanman...
             Isang batang lalaking nagising sa isang gabi, sa mag dagundong na nakagugulat.
             Sa loob ng ilang saglit, ang akala niya’y Bagong Taon noon. Gayon ding malalakas na ugong ang natatandaan niyang sumasalubong sa Bagong Taon. Ngunit pagkalipas ng ilan pang saglit, nagunita niyang noon ay wala nang ingay na pumapatak mula sa kanilang bubungan.
             Sa karimla’t pinalaki niya ang dalawang mata, wala siyang makitang ano man maliban sa isang makitid na silahis. Hindi niya malaman kung alin ang dagundong ng biglang pumuno sa bahay ang biglang pagliliwanag. Gulilat siyang nagbalikwas at hinanap nang paningin ang kanyang ina.
             Nagsunud-sunod ang tila malalaking batong gumugulong sa kanilang bubungan. Ang paggulong ng mga iyo’y sinasaliwan ng pagliliwanag at pagdidilim ng bahay, ng pagliliwanag na muli. Samantala’y patuloy ang pagbuhos ng ulan sa kanilang bubungan, sa kanilang paligid, sa lahat ng dako.
                        Muling nahiga ang nagbalikwas at ang tinig niya ay pinatalagos sa karimlan.
             “Inay, umuulan, ano?”
             “Oo, anak, kangina,” anang tinig mula sa dulo ng hihigan.
             “Inay,” ang ulit niya sa karimlan, “dumating na ba ang Tatay?”
             Sumagot ang tinig ngunit hindi niya maunawaan. Kaya’t itinaas niya nang bahagay ang likod at humilig sa kaliwang bisig. Sa kanyang tabi;y naroon ang kapatid na si Miling. Sa tabi nito’y nabanaagan niya ang katawan ng ina, at sa kabila naman nito’y nakita niya ang banig na walang tao.
             Ibinaba niya ang likod at iniunat ang kaliwang bisig. Naramdaman niya ang sigis ng lamig ng kanyang buto. Mula sa nababalot na katawan ni milng ay hinila niya ang kumot at ito’y itinakip sa sariling katawan. Bahagyang gumalaw ang kapatid, pagkatapos ay nagpatuloy sa hindi pagkilos. Naaawa siya kay Miling kaya’t ang kalahati ng kumot ay ibinalot sa katawan niyon at siya’y namaluktot sa nalabing kalahati.
             Naramdaman niya ang panunuot ng lamig sa kanyang likod. Inilabas niya ang kanag kamay sa kumot at kinapa ang banig hanggang sa maabot niya ang sahig.
             Anong lamig sa sahig, ang naisip niya, at ang kanang kamay ay dali-daling ipinasok muli sa kumot.
             “Inay,” ang tawag niyang muli, “bakit wala pa si Tatay? Anong oras na ba?”
             “Ewan ko,” ang sagot ng kanyang ina. “Matulog ka na, anak, at bukas ay magpapalutang ka ng mga bangkang ginawa mo.”
             Natuwa ang bata sa kanyang narinig.
             Magkakarerahan kami ng bangka ni Miling, ang aki’y malalaki’t matitibay...hindi masisira ng tubig.
             Dali-dali siyang nagbangon at pakapa-kapang sumiksik sa pagitan ng kapatid at ng kanyang kausap. Idinaan niya ang kanyang kamay sa pagitan ng baywang at bisig ng ina. Naramdaman niya ang bahagyang pag-aangay ng kaliwang bisig niyon. Ang kanang kamay noo’y ipinatong sa kanyang ulo at pabulong na nagsalita:
             “Siya, matulog ka na.”
             Ngunit ang bata’y hindi natulog. Mula sa malayo’y naririnig niya ang hagibis ng malakas na hangin. At ang ulang tangay-tangay noon.
             “Marahil ay hindi na uuwi ang Tatay ngayong gabi,” ang kanyang nasabi. Naalala niyang may mga gabing hindi umuuwi ang kanyang ama.
             “Saan natutulog ang Tatay kung hindi siya umuuwi rito?” ang tanong niya sa kanyang ina. Ngunit ito’y hindi sumagot.
             Sinipat niya ang mukha upang alamin kung nakapikit na ang kanyang ina. Ngunit sa karimlan ay hindi niya makita.
             Bago siya tuluyang nakalimot, ang kahuli-hulihang larawan sa kanyang balintataw ay ito. Tatlong malalaking bangkang yari sa papel na inaanod ng baha sa kanilang tapat...
             At samantalang pumapailanlang sa kaitaasan ang kahuli-hulihang pangrap ng batang yaon, ang panahon ay patuloy sa pagmamasungit. Ang munting bahay na pawid ay patuloy sa pagliliwanag at pagdidilim, sa pananahimik at pag-uumugong, sa pagbabata ng walang awing hampas ng hangin at ulan...
             Ang kinabukasan ng pagtatampisaw at pagpapaanod ng mga bangkang papel ay dumating... Ngunit kakaibang kinabukasan.
             Pagdilat ng inaantok pang batang lalaki ay nakita niyang nag-iisa siya sa hihigan. Naroon ang kumot at unan ni Miling at ng kanyang ina.
             Pupungas siyang bumangon.
             Isang kamay ang dumantay sa kanyang balikat at nang magtaas ng paningin ay nakitang yao’y si Aling Berta, ang kanilang kapitbahay.
             Hindi niya maunawaan ang tingin noong tila naaawa.
             Biglang-biglang naparam ang nalalabi pang antok. Gising na gising ang kanyang ulirat.
             Naroon ang asawa ni Aling Berta, gayon din sina Mang Pedring, si Alng Ading, si Feli, at si Turing, si Pepe. Nakita niyang ang kanilang bahay ay halos mapuno ng tao.
             Nahihintakutang mga batang humanap kay kay Miling at sa ina. Sa isang sulok, doon nakita ng batang lalaki ang kanyang ina na nakalikmo sa sahig. Sa kanyang kandungan ay nakasubsob si Miling. At ang buhok nito ay walang tigil na hinahaplus-haplos ng kanyang ina.
             Ang mukha ng kanyang ina ay nakita ng batang higit na pumuti kaysa rati. Ngunit ang mga mata noo’y hindi pumupikit, nakatingin sa wala.
             Patakbo siyang lumapit sa ina at sunud-sunod ang kanyang pagtatanong. “Bakit, Inay, ano ang nangyari? Ano ang nangyari, Inay? Bakit maraming tao rito?”
             Ngunit tila hindi siya narinig ng kausap. Ang mga mata noo’y patuloy sa hindi pagsikap. Ang kamay noo’y patuloy sa paghaplos sa buhok ni Miling.
             Nagugulumihang lumapit ang bata kina Mang Pedring at Aling Feli. Ang pag-uusap nila’y biglang natigil nang siya’y makita.
             Wala siyang narinig kundi... “Labinlimang lahat ang nangapatay...”
             Hindi niya maunawaan ang ang lahat. Ang pagdami ng tao sa kanilang bahay. Ang anasan. Ang ayos ng kanyang ina. Ang pag-iyak ni Aling Feli nang siya ay makita.
             Sa pagitan ng mga hikbi, siya’y patuloy sa pagtatanong...
             “Bakit po? Ano po iyon?”
             Walang sumasagot sa kanya. Lahat ng lapitan niya’y nanatiling pinid ang labi. Ipinatong ang kamay sa kanyang balikat o kaya’y hinahaplos ang kanyang buhok at wala na.
             Hindi niya matandaan kung gaano katagal bago may nagdatingan pang mga tao.
             “Handa na ba kaya?” anang isang malakas ang tinig. “Ngayon din ay magsialis na kayo. Kayo’y ihahatid ni Kapitan Sidro sa pook na ligtas. Walang maiiwan, isa man. Bago lumubog ang araw sila’y papasok dito... Kaya’t walang maaaring maiwan.”
             Matagal bago naunawaan ng bata kung ano ang nagyari.
             Sila’y palabas na sa bayan, silang mag-iiba, ang lahat ng kanilang kapitbahay, ang maraming-maraming tao, at ang kani-kanilang balutan.
             Sa paulit-ulit na salitaan, sa sali-salimbayang pag-uusap ay nabatid niya ang ilang bagay.
             Sa labinlimang nangapatay kagabi ay kabilang ang kanyang ama...sa labas ng bayan...sa sagupaan ng mga kawal at taong-bayan.
             Nag-aalinlangan, ang batang lalaki’y lumapit sa kanyang ina na mabibigat ang mga paa sa paghakbang.
             “Inay, bakit pinatay ng mga kawal ang Tatay? Bakit? Bakit?”
             Ang mga bata noong nakatingin sa matigas na lupa ay isang saglit na lumapit sa kanyang mukha. Pagkatapos, sa isang tinig na marahang-marahan ay nagsalita.
             “Iyon din ang nais kong malaman, anakm iyon din ang nais kong malaman.”
             Samantala...
             Sa bawat hakbang na palayo sa bahay na pawid at sa munting bukid na kanyang tahanan ay nararagdagan ang agwat ng ulila sa kanyang kabataan.
             Ang gabing yaon ng mga dagundong at sigwa, ng mga pangarap na kinabukasan at ng mga bangkang papel – ang gabing yaon ang kahuli-hulihan sa kabataang sasansaglit lamang tumagal. Ang araw na humalili’y tigib ng pangamba at ng mga katanungang inihahanap ng tugon.
             Kaya nga ba’t sa tuwi akong makakikita ng bangkang papel ay nagbabalik sa aking gunita ang isang batang lalaki. Isang batang lalaking gumawa ng tatlong malalaking bangkang papel na hindi niya napalutang kailanman...

Kinagisnang Balon


Sinasabing walang lampin sa purok ng Tibag na hindi nilabhan sa tubig na sinasalok sa malalim, malaki’t matandang balon. 2. Sinasabing walang nagluto ng pagkain at naghugas ng kinanan sa Tibag na hindi gumamit ng tubig sa balong iyon. 3. Sinasabing walang naligo sa Tibag na hindi nagbuhos ng malinis at malamig na tubig na siyang biyaya ng matatandang balong tisa. 4. Anupa’t masasabing walang isinilang at inilibing na taga-Tibag na hindi uminom o binindisyunan ng tubig na galing sa kanilang balon. 5. Kung iisipin, masasabi rin na ang buhay at kamatayan ng mga taga-Tibag ay nasa balong iyon. 6. Mahalaga nga ang gayon, ngunit ang bagay na ito’y hindi nila pinag-uukulang masyado ng pansin. Sa kanila, ang balon ay bahagi ng kanilang buhay at kapaligiran, bahagi na ng kanilang mga kinagisnang alamat at mga paniniwala’t pamahiing imumulat nila sa kanilang mga anak, at imumulat naman na mga ito sa susunod nilang salinlahi. 7. Walang nakatitiyak kung kailan hinukay ang balong iyon. 8. “Noon pang panahon ng Kastila,” anang matatanda. 9. “Hindi pa kayo tao, nandiyan na ‘yan,” giit naman ng iba. 10. At parang pagpapatunay, patitingnan ang mga tisang ginamit sa balon. Kauri raw at sintigas ng mga ginamit sa pader ng Intramuros o kaya’y sa mga pinakamatatandang simbahang katoliko sa Pilipinas. 11. Ipaglalaban naman ng iba na ang balon ay hinukay, o sa lalong wastong salita ay ipinahukay ng mga maykapangyarihan noong panahon ng mga Amerikano.Katunayan daw, maraming bayan sa Pilipinas, lalo na sa Luzon, ang may mga balong katulad ng nasa Tibag. Kaya naman daw matatagpuan ang mga ganitong balon sa labas ng mga matatandang bayan ay upang madaling masugpo ang kolerang ilang beses nang kumalat sa buong kapuluan at umutas ng libu-libong pagkukunan ng tubig ay nasa labas ng bayan, porlomenos, madali ang pagsugpo sa kakalat na makamandag na kolera. 12. May kalabuan man, kung sa bagay, ang ganoong pala-palagay, wala namang magagawa ang mausisa. Basta’t iyon daw ang paniwalaan, tapos ang kuwento! 13. Ganoon din ang ibubulyaw ng mga matatandang pikon kung kokontrahin mo sila sa kanilang pananakot. Kung gabi raw na madilim, lalo na kung patay ang buwan, may malignong lumilitaw sa may balon. 14. Magtago ka raw at sumilip sa likod ng mga punong kakawate, kung minamalas ka, makikita mo na lamang at sukat ang isang pagkaganda-gandang babae sa may balon. May inaaninaw daw itong mukha ng kung sinong katipang nalunod o maaaring nilunod sa balon noong panahon pa ng mga Kastila. Minsan naman daw, mga kung anu-anong hayop ang nagsisilabasan sa may balon at nag-uungulan. 15. At ano bang mali-maligno! Naisipan daw ng ilang kabinataan ang magpahatinggabi sa likod ng mga punong kakawate. At ano ang natuklasan nila? Ang nananakot ang siyang natakot. At nang magkabistuhan na, humangos daw itong may kinakapkap na kung ano at hinabol ng mga nakatuklas. Hindi matapus-tapos ang sisihan nang makasal nang di oras ang dalawang “maligno” na walang iba kung di ang tanging biyudo’t pinakamatandang dalaga sa Tibag. 16. Isa na iyon sa masasayang pangyayari sa balon ng Tibag. Sa may balon naglalaba’t naliligo ang mga dalaga’t kababaihan. Kung naroon na ang mga dalaga, panay naman daw ang hugas ng paa ng mga binata. Naroon na ang nakawan ng tingin, mga patalinghagang salitang sinusuklian ng saboy ng tubig o mga hindi natutuloy na pagbabantang magsumbong. Ang ingay ng mga batang nagsisipaligo, ng mga balding pumapalo sa gilid ng balon, mga pigil na hagikgik ng mga babae, harutan ng mga dalaga. 17. Marami ang makapagsasabi sa Tibag, ang buhay-buhay, tulad ng matandang balon, ay siya na nilang kinagisnan, kinamulatan pa rin ng kanilang mga anak at mamanahin pa rin ng mga anak naman nito. 18. Isa na sa mga makapagsasabi si Tandang Owenyong Aguwador. Siya lamang ang aguwador sa Tibag. Ang ibang sumasalok, may pingga at balde, ay para gamit lamang sa bahay. Gamit din sa bahay ang sinasalok ng mga dalagang nagsusunong ng banga ng inumin, balde o golgoreta. 19. Hanapbuhay ni Tandang Owenyong Aguwador ang pag-iigib ng tubig. Iniigiban niya ang ilang malalaking bahay sa Tibag at pinupuno din niya ang mga tapayan o dram ng mga talagang nagpapaigib sa mula’t mula pa. Ito ang mga pamilyang kung nagpipista ay siyang pinakamaraming handa’t bisita, mga nagiging hermano o punong-abala sa mga komite de festejos. Ito rin ang ipinag-iigib ng ninuno ni Tandang Owenyo. 20. Maglilimampung taong gulang na si Tandang Owenyo. Maiksi ang gupit ng kanyang kulay abong buhok. Pangkaraniwan ang taas, siya’y laging nakakamisetang mahaba ang manggas at kapit sa katawan. Matipuno at siksik daw ang katawan nito noong araw. 21. “Ba’t naman di magkakaganoon e sa banat ang kanyang buto sa pagsalok n’on pa man,” sabi ng iba. 22. “Di ba’t ‘yan ‘kamo,” dagdag ng ilan, “aguwador din?” 23. “Di ba’t ang Ba Meroy ay aguwador din?” 24. “Aba, siyanga, ano?” 25. Ang pangalan ng ama ni Tandang Owenyo ay Ba Meroy. Namatay ito noong panahon ng Hapon. 26. “Pero ‘ala pang giyera,” pilit ng iba, “umiigib na ang Tandang Owenyo.” 27. Minana na niya ang opisyong iyan.” 28. “E, si Nana Pisyang Hilot? Di ba’t sa balon sila…” 29. “A, oo! Doon niligawan ng Tandang Owenyo si Nana Pisyang. Ipagtanong mo.” 30. “Labandera na noon si Nana Pisyang?” 31. “Labandera na. Ang ipinag-iigib ng Tandang Owenyo ang siyang ipinaglalaba naman ng Nana Pisyang. Kaya nga maganda ang kanilang istorya, e.” 32. “Ang Da Felisang Hilot?” 33. “Aba, e labandera rin ‘yon. Tinuruan naman niyang manghilot ang kanyang anak. ‘”Yan nga si Nana Pisyang.” 34. “Tingnan mo nga naman ang buhay.” 35. “Sa Amerika ba, merong ganyan?” 36. “Pilipinas naman ‘to, e! Siyempre dito sa ‘tin, pasalin-salin ang hanapbuhay.” 37. “Mana-mana ang lahat.” 38. “Si Ba Meroy aguwador, puwes, si Tandang Owenyong anak ay aguwador din.” 39. “At si Nana Pisyang ng Da Felisa, labandera.” 40. “Pero si Nana Pisyang humihilot din.” 41. “Ow, ano ba naman ‘yon? Di naman araw-araw e me nanganganak. Saka, bigyan mo na lang ng pangkape ang Nana Pisyang, tama na.” 42. “Me pamamanahan na sila ng kanilang mga ikinabubuhay.” 43. “Di nga ba’t katu-katulong na ng Nana Pisyang sa paglalaba’t paghahatid ng damit ang dalagita niyang si Enyang? Meron na siyang magsisiksgreyd.” 44. “At si Narsing nila?” 45. A, si Narciso ba? Sayang. Tapos ng hayskul, hindi na nakapagpatuloy.” 46. “Ow tama na ‘yon. Tapos ka’t hindi, pareho rin.” 47. “Si Narsing ang me ulo. Laging me dalang libro e!” 48. “Sa library nga raw sa kabayanan nagbabasa’t humihiram ng libro.” 49. “Minsa’y nakita kong may kipkip na libro. Tinanong ko kung ano.” 50. “E. ano raw?” 51. “Florante at Laura daw.” 52. “Tingnan mo nga ‘yan. Sayang na bata. May ulo pa naman.” 53. “Balita ko’y ayaw mag-aguwador.” 54. “Nahihiya siguro. Biruin mo nga namang nakatuntong na halos sa kolehiyo at sa paaaguwador mapupunta. Ba’t nga naman iyong iba. Karabaw inglis alam e mga tente bonete na.” 55. “Kayo, pala, oo! Para naman kayong bago nang bago sa Pilipinas. Pa’no me malalakas na kapit ‘yon!” 56. “Di aguwador din ang bagsak ni Narsing!” 57. NAGHIHIMAGSIK si Narsing. Ayaw niyang pumasan ng pingga. Totoo nga na umiigib siya. Ngunit iyon ay para gamit lamang nila sa bahay. At gusto pa niyang bitbitin ang dalawang balde kaysa gumamit ng pingga. 58. Sabi ng mga matatandang babaing naglalaba sa may balon, kung magpingga lamang si Narsing mapagkakamalan daw itong si Tandang Owenyo noong bagong tao pa ito. Iyon din ang palagay ng mga nagkakahig ng sasabungin,ng mga naghuhuntahan sa harap ng tindahang sari-sari sa tapat ng lumang kapilya. 59. Kung naririnig ni Narsing ang gayong sabi-sabi lalo lamang sumisidhi ang kanyang paghihimagsik. At ito’y may kasamang malalim na hinanakit. 60. Nagsasampay ang kanyang ina nang siya’y magpaalam isang umaga. Ang apat na alambreng sampayan ay lundung-lundo sa bigat ng malalaking sinampay. Hindi na nakita ni Narsing na ang sampayan ay nawalan ng laman, na ang damuhan sa may gilid ng bakod na siit ay walang latag na kinula. Sa kabilang gilid ng bakuran hanggang sa duluhang papunta sa bukid ay gumagapang ang kamoteng putpot, na ang talbos ay naagad. May kapirasong balag na ginagapangan naman ng upo. 61. Binigyan si Narsing ng kanyang inang Nana Pisyang ng konting babaunin. Ito’y naipon sa paglalaba’t sa pinagbilhan ng ilang upo at talagang inilalaan para sa susunod na pasukan ng mga bata. 62. Nakituloy si Narsing sa isang tiyuhin sa Tondo, sa Velasquez. Sa area, naglalakad siya’t naghahanap ng mapapasukan… Kahit na ano, huwag lamang pag-aaguwador. Nakaranas siya ng gutom, ngunit nagtiis siya. Kung anu-anong kumpanya’t pagawaan ang kanyang sinubukan. Pulos naman NO VACANCY at WALANG BAKANTE, ang nakasabit sa mga tarangkahan at pintuan ng mga pinupuntahan niya. 63. Hindi lamang pala siya ang nabibigo. May nakakasabay pa siyang madalas na mga tapos ng edukasyon at komers. Ang mga ito’y me dala pang sulat na galing sa ganoo’t ganitong senador o kongresman. Natatawang ibig maluha ni Narsing. Binabale-wala na pala ng mga ito kahit na pirma ng mga pulitiko. Maski siguro si Haring Pilato ang nakapirma, talagang walang maibibigay na trabaho ang balanang puntahan ni Narsing. 64. Napadaan si Narsing sa isang malaking gulayan ng Intsik. Subukin na nga ‘’to, sabi niya sa sarili habang pumapasok siya sa isang ektarya yatang gulayan na binakuran ng mga alambreng matinik. Kinausap niya ang Intsik na nakita niyang nagpapasan ng dalawang lalagyan ng tubig na tabla. Taga-alis ng uod, magpala o magpiko sabi ni Narsing sa Intsik. 65. “Hene puwede,” sagot ng Intsik, “hang lan akyen tlamaho. Nahat-nahat ‘yan akyen lang tanim, dilig.” 66. “O, paano, talagang wala?” sabi ni Narsing at napansin niyang tumigas ang kanyang boses. Para siyang galit. 67. “Ikaw gusto pala ngayon lang alaw, ha,” sagot ng Intsik. Nangingiti-ngiti. “Akyen gusto lang tulong sa ‘yo. 68. “O sige, ano?” 69. “Ikaw, kuha tubig, salok sa balon, dilig konti. Ikaw na gusto?” 70. Ibinigay ng Intsik ang kanyang pinipinggang pinakaregadera. 71. Kinabukasan ng hapon nagpaalam si Narsing sa kanyang tiyahing nasa Velasquez. Sumakay na siya ng trak pauwi sa kanilang bayan sa lalawigan, sa Tibag.Pangkaraniwan na sa Tibag ang nabibigo sa paghahanap ng trabahong bago at hindi minana. Habang daan ay inisip-isip niya kung paano niya maiiwasan ang kanyang mamanahing hanapbuhay na halos pantawid-gutom lamang, ang isang kalagayang pagtitiis mula sa umpisa hanggang sa katapusan, walang kamuwangan, hirap, at laging nakasalag, kung hindi sa kabutihang loob ng ilan, sa pagsasamantala naman ng marami. 72. Mabuti pa, sabi ni Narsing sa sarili, hindi na ’ko nakapag-aral. Parang nabuksan ang kanyang isip at guniguni sa sanlibu’t sanlaksang kababalaghan ng kalikasan at sa maraming paghahamon ng buhay na di niya maubos-maisip kung paano mapananagumpayan. 73. Magtatakip-silim na nang dumating siya sa Tibag. Dinumog siya ng mga paslit na nagtatanong kung mayroon siyang dalang pasalubong. Wala, wala siyang dala. 74. Ang sumunod sa kanyang si Enyang ay tahimik na nag-ahin ng hapunan sa lumang dulang. Habang sila’y kumakain, naramdaman ni Narsing na naghihintay ang kanyang ama’t ina ng kanya pang isasalaysay tungkol sa kanyang paghahanap ng trabaho sa Maynila. Ano naman ang maibabalita niyang hindi pa nila nalalaman tungkol sa kahirapan ng paghahanap ng trabaho? 75. Inalok siya nang inalok at pinakakaing mabuti ng kanyang ina. Animo’y nagkandagutom siya sa Maynila. Pasulyap-sulyap siya sa kanyang amang nasa kabisera ng dulang. Nagpupuyos ang kanyang kalooban sa kanyang nasasaksihan. Nag-aagawan ang mga paslit sa ulam. Tipid na tipid ang subo ng kanyang ama’t ina. Marami pa silang inom ng tubig kaysa sa subo ng kanin. Ang ulam nila’y kamatis at bagoong na may talbos na naman ng kamote, isang mangkok na burong mustasa at ilang piniritong bangus. Maya’t maya ay sinasaway ng kanyang ina ang mga batang parang aso’t pusa sa pag-uunahan sa pagkain. Sa buong Tibag, sila lamang marahil ang hindi halos nagkaroon ng mumo sa dulang. Noong araw, hindi sila ganoon. Ngayon, kung magsabaw sila sa sinigang o minsan sang buwan nilagang karne, halos sambalde ang ibubuhos na tubig para dumami ang sabaw. Habang lumalaki’t dumarami ang subo ng mga bata, dadalang naman nang dadalang at liliit ang subo ng kanyang ama’t ina. Siya man ay napapagaya na sa kanila. 76. Ang ganoong tagpo ay kanyang pinaghihimagsikan. Katulad din iyon ng kanyang paghihimagsik kung nasasaksihan niya ang kanyang mga kapatid na palihim na waring nagsusukat ng mga damit na mahuhusay na ipinaglalaba’t ipinamamalantsa ng kanilang ina. Katulad din iyon ng kanyang paghihimagsk na matapos na sa pagiigib ng kanyang ama at napapansin niyang dumarami ang kulubot sa ulo kung nakikita itong pasan-pasan ang pingga’t dalawang balde na animo’y isang Kristo sa pagkakayuko na ang paghihirap ay wala nang katapusan. 77. Noong gabing iyon. nagkasagutan sila ng kanyang ama. Nakaupo si Narsing sa unang baytang sa itaas ng kanilang mababang hagdan. Nakatingin siya sa duluhan ng bakuran. Iniisip niyang harapin pansamantala ang pagtatanim ng gulay. Nalingunan na lamang niyang nakatayo ang kanyang ama sa may likuran niya. 78. “Gayon din lamang,” mungkahi ng kanyang ama sa malumanay na boses, at ibig mong maghanapbuhay, subukin mong umigib.” 79. May idurugtong pa sana ang kanyang ama, ngunit hindi na nakapigil si Narsing. Malakas at pasinghal ang kanyang sagot. 80. “Ano ba naman kayo! Aguwador na kayo, gusto n’yo pati ako maging aguwador!” 81. Napatigagal ang kanyang ama. Ang kanyang ina’y napatakbo at tanong nang tanong kung bakit at ano ang nangyari. 82. Minumura siya ng kanyang ama. “Bakit?” wika nitong pinaghaharian ng pagdaramdam at kumakatal ang tinig. “Ano ang masama sa pag-aaguwador? Diyan ko kayo binuhay!” 83. Nakatayo na sana si Narsing, ngunit sinundan siya ng kanyang ama’t buong lakas na hinaltak at inundayan ng sampal. Parang natuklap ang mukha ni Narsing, Itinaas niya ang isa niyang kamay upang sanggahin ang isa pang sampal. Nakita niyang nagliliyab ang mga mata ng kanyang ama. 84. Sumigaw ang kanyang ina. may kasama itong iyak. Yakap siyang mahigpit ng kanyang ina. Huwag daw siyang lumapastangan. Pati ang mga bata’y umiiyak at humahagulgol na parang maliit na hayop. 85. Lumayo ang kanyang ama’t iniunat ang katawan sa isang tabi ng dingding na pawid. Dinig na dinig pa rin ang kanyang sinasabi. 86. Nag-aral ka pa naman, sayang. Oy, kung me gusto kang gawin, sige. Di kita pinipigil. Darating din ang araw na mararanasan mo rin… mararanasan mo rin.” 87. Kung anu-anong balita ang kumalat sa Tibag. Kung umiigib si Narsing ng tubig para sa kanilang bahay hindi siya pinapansn ni binabati tulad ng dati. Ganoon din ang kanyang ama. Waring nahihiyang magtanung-tanong ang mga tao, ngunit hindi nahihiyang sa kani-kanilang sarili’y magpalitan sila ng tsismis at mali-maling palagay. 88. ISANG linggo pagkatapos ng pagkakasagutan nilang mag-ama, ang Tandang Owenyong ay nadisgrasya sa balon. Nadupilas ito at mabuti na lamang daw at sa labas ng balon nahulog. Kung hindi raw, patay. Ang dibdib ng matanda ay pumalo sa mga nakatayong balde at ito’y napilayan. Nabalingat naman ang isang siko niya. Sabi ng marami ay nahilo ang matanda. Ang iba’y nawala sa isip niya ang ginagawa. 89. Nilagnat pa si Tandang Owenyo. Ipinatawag na ang pinakamahusay na manghihilot na tagaibayo. Nakikiigib ang mga iniigiban ni Tandang Owenyo sa iba. Kailan daw ba iigib uli ang matanda. Walang malay gawin ang ina ni Narsing. Ang kanilang dati nang malaking utang sa tindahan ni Da Utay ay lalong lumaki sa pagkakasakit ng matandang aguwador. 90. Isang hapong umiigib si Narsing ng gamit sa bahay ay may naglakas-loob na nagtanong kung magaling na ang kanyang ama. Bakit daw hindi pa siya ang sumalok. Sayang daw kung ang kinikita ng ama niya’y sa iba mapupunta. 91. Hindi nanlilibak o sumasaring ang pagkakasabi noon. Iyon, sa palagay na ni Narsing, ay patotoo sa paniwalang siya ang talagang magmamana sa gawaing iyon ng kanyang ama. 92. KINABUKASAN, hindi nangyari ang inaasahang mangyari ni Narsing. Hindi siya tinukso ni pinagtawanan at kinantiyawan. Nalapnos ang kanyang balikat at magdamag na nanakit ang kanyang mga buto sa pag-aakyat-panaog sa mga hagdang matatarik, sa pagsalin at pagbuhat ng tubig. Siya na ang umiigib. 93. Pabiling-biling si Narsing sa kanyang hinihigang sahig. Nakikita niya ang malalayong bituin. Narinig niya ang mga mumunting hayop at ang alit-it ng mga kawayang itulak-hilahin ng hangin. Sa malayo’y may asong kumakahol na parang nakakita ng aswang o ano. Hindi siya nakatulog. Marami siyang iniisip. Naalaala niya noong siya’y nasa hayskul. Bago siya maidlip, sa guniguni niya ay nakita niyaang kanyang sariling kamukha ng kanyang amang animo’y isang Kristong pasanpasan ang pingga’t dalawang balding mabibigat. Naisipan din niyang taniman nang taniman ang bakuran nilang ngayo’y hindi na kanila’t inuupahan na lamang. 94. Maaga pa’y bumaba na ng bahay si Narsing. At siya’y muling umigib. Mahapdi ang kanyang balikat. Humihingal siya’t parang hindi na niya kayang ituwid ang kanyang mga tuhod. 95. Noong hapon, naghihintay si Narsing ng kanyang turno sa balon. Nagbibiruan ang mga dalaga’t kabinataan sa paligid ng balon. May tumatawang nagsasabing binyagan ang kanilang bagong aguwador. 96. “Binyagan si Narsing!” sigaw ng mga nasa paligid ng balon, at may nangahas na magsaboy ng tubig. Source: http://jhenpitz.multiply.com/notes/item/2 ---- ito ang pinag-aralan naming akda noong nakaraang linggo. Ito ay tungkol sa kwento ni narsing na ayaw maging isang agwador. Sakanilang lugar kasi ay sinsabing mana-mana lamang ang magiging trabaho ng mga tao doon. Dhil sa ayaw nyang maging agwador ay lumuywas siya ng maynila para humanap pa ng mas magandang trabaho dahil hndi sya naniniwala na mana mana lang ang trabaho sakanila. nang maaksidente ang knyang Ama ay may isang taong nagparealize saknya na bakit daw hndi na lang sya magtrabho at manilbhan sa kanilang nayon para maging agwador sayang naman daw kasi ang pagkakakitaan nito. dahil doon ay nahikayat si narsing na mag agwador na lamang.

Banyaga


Banyaga
Ni: Liwayway Arceo

Mula nang dumating is Fely kangina ay hindi miminsang narinig niya ang tanong na iyon na tila ngayon lamang siya nakita. Gayong umuuwi siya dalawang ulit sa isang taon - kung Araw ng mga Patay at kung Pasko. O napakadalang nga iyon, bulong niya sa sarili. At maging sa mga sandaling ito na wala nang kumukibo sa tumitingin sa kanya ay iyon din ang katanungang wari ay nababsa niya sa bawat mukha, sa bawat tingin, sa bawat matimping ngiting may lakip na lihim na sulyap.

At mula sa salamin sa kanyang harapan ay nakita niya si Nana Ibang sa kanyang likuran. Hinahagod ng tingin ang kanyang kaanyuan. Matagal na pinagmasdan ang kanyang buhok

Hindi ito makapaniwala nang sabihin niyang serbesa ang ipinambasa sa buhok niya bago iyon sinuklay. Nandidilat si Nana Ibang nang ulitin ang tanong.
"Serbesa ba 'kama, bata ka, ha?"

Nguniti siya kasabay ang mahinang tango. At nang makita niyang nangunot ang noo nito, idinigtong niya ang paliwanag. "Hindi masama'ng amoy, Nana."
Ngayon, sa kanyang pandinig ay hindi nakaila sa kanya ang pagtuon ng tingin nito sa kanyang suot. Sa leeg ng kanyang terno na halos ay nakasabit lamang sa gilid ng kanyang balikat at tila nanunuksong pinipigil ang pagsungaw ng kanyang malusog na dibdib. Sa kanyang baywang na lalong pinalantik ng lapat na lapat na saya. Sa laylayan naito na may gilit upang makahakbang siya.
"Ibang-iba na ngan ngayon ang...lahat!" at nauulinigan niya ang buntung-hiningang kumawala sa dibdib ng matandang ale.

Napangiti siya. Alam niyang iyonm din ang sasabihin ng kanyang ina kung nakabuhayan siya. Pati ang kanyang ama na hindi naging maligoy minsan man, sa pagkakaalam niya, sa pagsasalita. Iyon din ang narinig niyang sabi ng kanyang Kuya Mente. At ang apat niyang pamangkin ay halos hindi nakahuma nang makita siya kanginang naka-toreador na itim at kamisadentrong rosas. Pinagmasdan siya ng kanyang mga kanayon, mula ulong may taling bandanna, sa kanyang salaming may kulay, hanggang sa kanyang mag mapulang kuko sa paa na nakasungaw sa step-in na bukas ang nguso.

"Sino kaya'ng magmamana sa mga pamangkin mo?" tanong ngayon ng kanyang Nana Ibang. "Ang panganay sana ng Kua mo...matalino..."
"Sinabi ko naman sa Inso...ibigay na sa 'kin papapag-aralin ko sa Maynila. Nag-iisan naman ako. Ang hirap sa kanila...ayaw nilang maghiwa-hiwalay. Kung sinunod ko ang gusto ni Inang...noon...kung natakot ako sa iyakan..." Tumigil siya sa pagsasalita. Alam niyang hindi maikukubli ng kanyang tinig ang kapaitang naghihimagsik sa kanyang dibdib.

"Tigas nga naming iyakan nang lumawas ka..." ayon ni Nana Ibang.
"Noon pa man, alam kong nasa Maynila ang aking pagkakataon. Sasali ba 'ko sa timpalak na 'yon kung hindi ako nakasisigurong kaya ko ang eksamen?" Malinaw sa isip ang nakaraan.
Hindi sumagot si Nana Ibang. Naramdaman niyang may dumaping panyolito sa kanyang batok. "Pinapawisan ka an, e. Ano bang oras ang sabi no Duardo na susunduin ka?"

"Alas-tres daw. Hanggang ngayon ba'y gano'n dito?" at napangiti siya. "Ang alas-tres, e, alas-singko? Alas-kuwatro na, a! Kung hindi lang ako magsasaya, di dinala ko na rito ang kotse ko. Ako na ang magmamaneho. Sa Amerika..."
"Naiinip ka na ba/" agaw ni Nana Ibang sa kanyang sinabi.
"Hindi sa naiinip, e. Dapat ay nasa oras ng salitaan. Bakit ay gusto kong makabalik din ngayon sa Maynila."
"Ano? K-kahit gabi?"

Napatawa si Fely. "Kung sa Amerika...nakapunta ako at nakabalik nang nag-iisa, sa Maynila pa? Ilang taon ba 'kong wala sa Pilipinas? Ang totoo..."
Boglang nauntol ang kanyang pagsasalita nang marinig niya ang mahinang tatat ni Aling Ibang. At nang tumingin siya rito ay nakita niya ang malungkot na mukha nito. At biglang-bigla, dumaan sa kanyang gunita ang naging anyo nito nang makita siya kangina.

Ang pinipigil na paghanga at pagtataka sa kanyang anyo. Ang walang malamang gawing pagsalubong sa kanya. At nang siya ay ipaghain ay hindi siya isinabay sa kanyang mga pamangkin. Ibinukod si ng hain, matapos mailabas ang isang maputi at malinis na mantel. Hindi siya pinalabas sa batalan nang sabihin niyang maghuhugas siya ng kamay. Ipinagpasok siya ng palanggana ng tubig, kasunod ang isa niyang pamangking sa pangaln at larawan lalo niyang kilala sapagkat patuloy ang kanyang sustento rito buwan-buwan. Iba ang may dala ng platitong kinalalagyan ng sabong mabangong alam niyang ngayon lamang binili. Nakasampay sa isang bisig nito ang isang tuwalyang amay moras. At napansin niyang nagkatinginan ang kanyang mga kaharap nang sabihin niyang magkakamay siya.

"Ayan naman ang kubyertos...pilak 'yan!" hiyang-hiyang sabi ng kanyang hipag. " 'Yan ang uwi mo...noon...hindi nga namin ginagamit..."
Napatawa siya. "Kinikutsara ba naman ang alimango?"
Nagsisi siya pagkatapos sa kanyang sinabi. Napansin niyang lalong nahapis ang mukha ng kanyang Nana Ibang. Abot ang paghingi nito ng paumanhin. Kung hindi ka ba nagbago ng loob, di sana'y nilitson ang biik sa silong, kasi, sabi...hindi ka darating...

Wala nga siyang balak na dumalo sa parangal. Ngunit naisip niya - ngayon lamang gagawin ang gayon sa kanilang nayon. Sa ikalimampung taon ng Plaridel High School. Waring hindi niyan matatanggihan ang karangalang iniuukol sa kanya ng Samahan ng mga Nagtapos sa kanilang paaralan. Waring naglalaro sa kanyang isipan ang mga titik ng liham ng pangulo ng samahan. Parangal sa unang babaing hukom na nagtapos sa kanila.

Napakislot pa si Fely nang marinig ang busina ng isag tumigil na sasakayan sa harapan ng bahay. Alam na niya ang kahulugan niyon. Dumating na ang sundo upang ihatid siya sa bayan, sa gusali ng paaralan. Hindi muna niya isinuot ang kanyang sapatos na mataas at payat ang takong.
"Sa kotse n," ang sabi niya kay Nana Ibang. Ang hindi niya masabi: Baka ako masilat...baka ako hindi makapanaog sa hagdang kawayan.
Ngunit sa kanyang pagyuko upang damputin ang kanyang sapatos ay naunahan siya ng matanda. Kasunod niya ito na bitbit ang kanyang sapatos. Sa paligid ng kotse ay maraming matang nakatingin sa kanya. Ang pinto ng kotse ay hawak ng isang lalaki, na nang mapagsino niya ay bahagya siyang napatigil. Napamaang.

"Ako nga si Duardo!"
Pinigil niya ang buntung-hiningang ibig kumawala sa kanyang dibdib. Nang makaupo na siya ay iniabot ni Nana Ibang ang kanyang sapatos. Yumuko ito at dinampot naman ang tsinelas ba hinubad niya. Isinara ni Duardo ang pinto ng kotse at sa tabi ng tsuper ito naupo.
"Bakit hindi ka rito?" tanong niya. Masasal ang kaba ng kanyang dibdib. "May presidente ba ng samahan na ganyan?"

"A...e..." Hindi kinakailangang makita niyang nakaharao si Duardo. Napansin niya sa pagsasalita nito ang panginginig ng mga labi. 'A-alangan...na 'ata..."
Nawala ang ngiti ni Fely. Sumikbo ang kanyang dibdib. Si Duardo ang tanging lalaking naging malapit sa kanya. Noon. Ngayon, nalaman niyang guro ito sa paaralang kanilang pinagtapusan. At ito rin ang pangulo ng Samahan ng mga Nagtapos.
"Natutuwa kami at nagpaunlak ka..." walang anu-ano'y sabi ni Duardo, "Dalawampu't dalawang taon na..."


"Huwag mo nang sasabihin ang taon!" biglang sabi ni Fely, lakip ang bahagyang tawa. "Tumatanda ako."

"Hindi ka nagbabago,' sabi ni Duardo. "Parang mas...mas...bata ka ngayon. Sayang...hindi ka makikita ni Menang..."

"Menang?" napaangat ang likod ni Fely.

"Kaklase natin...sa apat na grado," paliwanag ni Duardo. "Kami ang..." at napahagikhik ito. "Kamakalawa lang isinilang ang aming pang-anim...'

"Congratulations!" pilit na pilit ang kanyang pagngiti. Tila siya biglang naalinsanganan. Tila siya inip na inip sa pagtakbo ng sasakyan.

"Magugulat ka sa eskuwela natin ngayon," patuloy ni Duardo nang hindi na siya kumibo. "Ibang-iba kaysa...noon..."

"Piho nga," patianod niya. "Hindi naman kasi 'ko nagagawi sa bayan tuwing uuwi ako. Lagi pa 'kong nagmamadali..."

"Pumirmi na nga rin kami sa bayan kaya hindi naman tayo nagkikita..."

Bagung-bago sa kanyang paningin ang gusali. At nang isungaw niya ang kanyang mukha sa bintana ng sasakyan ay nakita ang mga nakamasid sa kanya. Isinuot niya ang kanyang salaming may kulay. Tila hindi niya matatagalan ang nakalarawan sa mukha ng mga sumasalubong sa kanya. Pagtataka, paghanga, pagkasungyaw. Aywan niya kung alin.

At nang buksan ni Duardo ang pinto ng kotse upang makaibis siya ay lalong nagtimunig ang kahungkagang nadarama sa kanyang mga mata. Tila hindi na niya nakikilala at hindi na rin siya makilala pa ng pook na binalikan niya.

Ang Pamana


     Ang Pamana
Ni Jose Corazon de Jesus

Isang araw ang ina ko’y nakita kong namamanglaw
Naglilinis ng marumi’t mga lumang kasangkapan.
Sa pilak ng kanyang buhok na hibla na katandaan
Nabakas ko ang maraming taon niyang kahirapan;
Nakita ko ang ina ko’y tila baga nalulumbay
At ang sabi “itong pyano sa iyo ko ibibigay,
Ang kubyertos nating pilak ay kay Itang maiiwan,
Mga silya’t aparador ay kay Tikong nababagay
Sa ganyan ko hinahati itong ating munting yaman.”

Pinilit kong pasayahin ang lungkot ng aking mukha
Tinangka kong magpatawa upang siya ay matuwa,
Subalit sa aking mata’y may namuong mga luha
Naisip ko ang ina ko, ang ina ko na kawawa;
Tila kami iiwan na’t may yari nang huling nasa at
sa halip na magalak sa pamanang mapapala,
Sa puso ko ay dumalaw ang malungkot na gunita
Napaiyak akong tila isang kaawaawang bata
Niyakap ko ang ina ko at sa kanya ay winika.

”Ang ibig ko sana, Ina’y ikaw aking pasiyahin
at huwag nang Makita pang ika’y Nalulungkot mandin,
O, Ina ko, ano po ba at naisipang hatiin
Ang lahat ng munting yamang maiiwan sa amin?”
”Wala naman,” yaong sagot “baka ako ay tawagin ni Bathala
Mabuti nang malaman mo ang habilin?
Iyang pyano, itong silya’t aparador ay alaming
Pamana ko na sa iyo, bunsong ginigiliw.”

“Ngunit Inang,” ang sagot ko, “ang lahat ng kasangkapan
Ang lahat ng yaman dito ay hindi ko kailangan
Ang ibig ko’y ikaw ina, ang ibig ko’y ikaw inang
Hinihiling ko sa Diyos na ang pamana ko’y ikaw
Aanhin ko iyong pyano kapag ikaw ay mamatay
At hindi ko matutugtog sa tabi ng iyong hukay?
Ililimos ko sa iba ang lahat ng ating yaman
Pagkat di ka maaaring pantayan ng daigdigan
Pagkat, ikaw O Ina ko, ika’y wala pang kapantay

Repleksyon:

   Nakakalungkot ang nilalaman ng akdang ito dahil tungkol ito sa pamana ng isang ina sa anak na malapit na itong mamatay ay ayaw tanggapin ng anak dahil gusto nyang pamana ay ang kanyang ina na mahal na mahal nya at ayaw nyang mawala.