Banyaga
Ni: Liwayway Arceo
Mula nang dumating is Fely kangina ay hindi miminsang
narinig niya ang tanong na iyon na tila ngayon lamang siya nakita. Gayong
umuuwi siya dalawang ulit sa isang taon - kung Araw ng mga Patay at kung Pasko.
O napakadalang nga iyon, bulong niya sa sarili. At maging sa mga sandaling ito
na wala nang kumukibo sa tumitingin sa kanya ay iyon din ang katanungang wari
ay nababsa niya sa bawat mukha, sa bawat tingin, sa bawat matimping ngiting may
lakip na lihim na sulyap.
At mula sa salamin sa kanyang harapan ay nakita niya si Nana
Ibang sa kanyang likuran. Hinahagod ng tingin ang kanyang kaanyuan. Matagal na
pinagmasdan ang kanyang buhok
Hindi ito makapaniwala nang sabihin niyang serbesa ang
ipinambasa sa buhok niya bago iyon sinuklay. Nandidilat si Nana Ibang nang
ulitin ang tanong.
"Serbesa ba 'kama ,
bata ka, ha?"
Nguniti siya kasabay ang mahinang tango. At nang makita
niyang nangunot ang noo nito, idinigtong niya ang paliwanag. "Hindi
masama'ng amoy, Nana."
Ngayon, sa kanyang pandinig ay hindi nakaila sa kanya ang
pagtuon ng tingin nito sa kanyang suot. Sa leeg ng kanyang terno na halos ay
nakasabit lamang sa gilid ng kanyang balikat at tila nanunuksong pinipigil ang
pagsungaw ng kanyang malusog na dibdib. Sa kanyang baywang na lalong pinalantik
ng lapat na lapat na saya. Sa laylayan naito na may gilit upang makahakbang
siya.
"Ibang-iba na ngan ngayon ang...lahat!" at
nauulinigan niya ang buntung-hiningang kumawala sa dibdib ng matandang ale.
Napangiti siya. Alam niyang iyonm din ang sasabihin ng
kanyang ina kung nakabuhayan siya. Pati ang kanyang ama na hindi naging maligoy
minsan man, sa pagkakaalam niya, sa pagsasalita. Iyon din ang narinig niyang
sabi ng kanyang Kuya Mente. At ang apat niyang pamangkin ay halos hindi
nakahuma nang makita siya kanginang naka-toreador na itim at kamisadentrong
rosas. Pinagmasdan siya ng kanyang mga kanayon, mula ulong may taling bandanna,
sa kanyang salaming may kulay, hanggang sa kanyang mag mapulang kuko sa paa na
nakasungaw sa step-in na bukas ang nguso.
"Sino kaya'ng magmamana sa mga pamangkin mo?"
tanong ngayon ng kanyang Nana Ibang. "Ang panganay sana ng Kua mo...matalino..."
"Sinabi ko naman sa Inso...ibigay na sa 'kin
papapag-aralin ko sa Maynila. Nag-iisan naman ako. Ang hirap sa kanila...ayaw
nilang maghiwa-hiwalay. Kung sinunod ko ang gusto ni Inang...noon...kung
natakot ako sa iyakan..." Tumigil siya sa pagsasalita. Alam niyang hindi
maikukubli ng kanyang tinig ang kapaitang naghihimagsik sa kanyang dibdib.
"Tigas nga naming iyakan nang lumawas ka..." ayon
ni Nana Ibang.
"Noon pa man, alam kong nasa Maynila ang aking pagkakataon.
Sasali ba 'ko sa timpalak na 'yon kung hindi ako nakasisigurong kaya ko ang
eksamen?" Malinaw sa isip ang nakaraan.
Hindi sumagot si Nana Ibang. Naramdaman niyang may dumaping
panyolito sa kanyang batok. "Pinapawisan ka an, e. Ano bang oras ang sabi
no Duardo na susunduin ka?"
"Alas-tres daw. Hanggang ngayon ba'y gano'n dito?"
at napangiti siya. "Ang alas-tres, e, alas-singko? Alas-kuwatro na, a!
Kung hindi lang ako magsasaya, di dinala ko na rito ang kotse ko. Ako na ang
magmamaneho. Sa Amerika..."
"Naiinip ka na ba/" agaw ni Nana Ibang sa kanyang
sinabi.
"Hindi sa naiinip, e. Dapat ay nasa oras ng salitaan.
Bakit ay gusto kong makabalik din ngayon sa Maynila."
"Ano? K-kahit gabi?"
Napatawa si Fely. "Kung sa Amerika...nakapunta ako at
nakabalik nang nag-iisa, sa Maynila pa? Ilang taon ba 'kong wala sa Pilipinas?
Ang totoo..."
Boglang nauntol ang kanyang pagsasalita nang marinig niya
ang mahinang tatat ni Aling Ibang. At nang tumingin siya rito ay nakita niya
ang malungkot na mukha nito. At biglang-bigla, dumaan sa kanyang gunita ang
naging anyo nito nang makita siya kangina.
Ang pinipigil na paghanga at pagtataka sa kanyang anyo. Ang
walang malamang gawing pagsalubong sa kanya. At nang siya ay ipaghain ay hindi
siya isinabay sa kanyang mga pamangkin. Ibinukod si ng hain, matapos mailabas
ang isang maputi at malinis na mantel. Hindi siya pinalabas sa batalan nang
sabihin niyang maghuhugas siya ng kamay. Ipinagpasok siya ng palanggana ng
tubig, kasunod ang isa niyang pamangking sa pangaln at larawan lalo niyang
kilala sapagkat patuloy ang kanyang sustento rito buwan-buwan. Iba ang may dala
ng platitong kinalalagyan ng sabong mabangong alam niyang ngayon lamang binili.
Nakasampay sa isang bisig nito ang isang tuwalyang amay moras. At napansin
niyang nagkatinginan ang kanyang mga kaharap nang sabihin niyang magkakamay
siya.
"Ayan naman ang kubyertos...pilak 'yan!"
hiyang-hiyang sabi ng kanyang hipag. " 'Yan ang uwi mo...noon...hindi nga
namin ginagamit..."
Napatawa siya. "Kinikutsara ba naman ang alimango?"
Nagsisi siya pagkatapos sa kanyang sinabi. Napansin niyang
lalong nahapis ang mukha ng kanyang Nana Ibang. Abot ang paghingi nito ng
paumanhin. Kung hindi ka ba nagbago ng loob, di sana'y nilitson ang biik sa
silong, kasi, sabi...hindi ka darating...
Wala nga siyang balak na dumalo sa parangal. Ngunit naisip
niya - ngayon lamang gagawin ang gayon sa kanilang nayon. Sa ikalimampung taon
ng Plaridel High School . Waring hindi niyan
matatanggihan ang karangalang iniuukol sa kanya ng Samahan ng mga Nagtapos sa
kanilang paaralan. Waring naglalaro sa kanyang isipan ang mga titik ng liham ng
pangulo ng samahan. Parangal sa unang babaing hukom na nagtapos sa kanila.
Napakislot pa si Fely nang marinig ang busina ng isag
tumigil na sasakayan sa harapan ng bahay. Alam na niya ang kahulugan niyon.
Dumating na ang sundo upang ihatid siya sa bayan, sa gusali ng paaralan. Hindi
muna niya isinuot ang kanyang sapatos na mataas at payat ang takong.
"Sa kotse n," ang sabi niya kay Nana Ibang. Ang
hindi niya masabi: Baka ako masilat...baka ako hindi makapanaog sa hagdang
kawayan.
Ngunit sa kanyang pagyuko upang damputin ang kanyang sapatos
ay naunahan siya ng matanda. Kasunod niya ito na bitbit ang kanyang sapatos. Sa
paligid ng kotse ay maraming matang nakatingin sa kanya. Ang pinto ng kotse ay
hawak ng isang lalaki, na nang mapagsino niya ay bahagya siyang napatigil.
Napamaang.
"Ako nga si Duardo!"
Pinigil niya ang buntung-hiningang ibig kumawala sa kanyang
dibdib. Nang makaupo na siya ay iniabot ni Nana Ibang ang kanyang sapatos.
Yumuko ito at dinampot naman ang tsinelas ba hinubad niya. Isinara ni Duardo
ang pinto ng kotse at sa tabi ng tsuper ito naupo.
"Bakit hindi ka rito?" tanong niya. Masasal ang
kaba ng kanyang dibdib. "May presidente ba ng samahan na ganyan?"
"A...e..." Hindi kinakailangang makita niyang
nakaharao si Duardo. Napansin niya sa pagsasalita nito ang panginginig ng mga
labi. 'A-alangan...na 'ata..."
Nawala ang ngiti ni Fely. Sumikbo ang kanyang dibdib. Si
Duardo ang tanging lalaking naging malapit sa kanya. Noon. Ngayon, nalaman
niyang guro ito sa paaralang kanilang pinagtapusan. At ito rin ang pangulo ng
Samahan ng mga Nagtapos.
"Natutuwa kami at nagpaunlak ka..." walang
anu-ano'y sabi ni Duardo, "Dalawampu't dalawang taon na..."
"Huwag mo nang sasabihin ang taon!" biglang sabi
ni Fely, lakip ang bahagyang tawa. "Tumatanda ako."
"Hindi ka nagbabago,' sabi ni Duardo. "Parang
mas...mas...bata ka ngayon. Sayang...hindi ka makikita ni Menang..."
"Menang?" napaangat ang likod ni Fely.
"Kaklase natin...sa apat na grado," paliwanag ni
Duardo. "Kami ang..." at napahagikhik ito. "Kamakalawa lang
isinilang ang aming pang-anim...'
"Congratulations!" pilit na pilit ang kanyang
pagngiti. Tila siya biglang naalinsanganan. Tila siya inip na inip sa pagtakbo
ng sasakyan.
"Magugulat ka sa eskuwela natin ngayon," patuloy
ni Duardo nang hindi na siya kumibo. "Ibang-iba kaysa...noon..."
"Piho nga," patianod niya. "Hindi naman kasi
'ko nagagawi sa bayan tuwing uuwi ako. Lagi pa 'kong nagmamadali..."
"Pumirmi na nga rin kami sa bayan kaya hindi naman tayo
nagkikita..."
Bagung-bago sa kanyang paningin ang gusali. At nang isungaw
niya ang kanyang mukha sa bintana ng sasakyan ay nakita ang mga nakamasid sa
kanya. Isinuot niya ang kanyang salaming may kulay. Tila hindi niya matatagalan
ang nakalarawan sa mukha ng mga sumasalubong sa kanya. Pagtataka, paghanga,
pagkasungyaw. Aywan niya kung alin.
At nang buksan ni Duardo ang pinto ng kotse upang makaibis
siya ay lalong nagtimunig ang kahungkagang nadarama sa kanyang mga mata. Tila
hindi na niya nakikilala at hindi na rin siya makilala pa ng pook na binalikan
niya.
No comments:
Post a Comment