ni
Lope K. Santos
Ang
buod ng kasaysayan ng Banaag at Sikat ay lumiligid sa mga adhikain at
paninindigan ng dalawang magkaibigang sina Felipe at Delfin. Si Felipe ay anak
ng isang mayamang presidente ng isang bayan sa Silangan. Dahil sa kanyang
pagkamuhi sa mga paraan ng pagpapayaman ng kanyang ama at sa kalupitan nito sa
mga maralitang kasama sa bukid at sa mga utusan sa bahay ay tinalikdan niya ang
kanilang kayamanan, pumasok na manggagawa sa isang palimbagan, at nanligaw sa
isang maralita ngunit marangal na dalaga, si Tentay. Samantala, siya’y nakatira
sa isang bahay ng amang-kumpil na si Don Ramon sa Maynila. Ang mga paraan ni
Don Ramon sa pagpapayaman, ang kanyang mababang pagtingin sa mahihirap at ang
pag-api niya sa mga pinamumunuan ay nakapagpalubha sa pagkamuhi ni Felipe sa
lahat ng mayayaman at nagpapatibay sa kanyang pagiging anarkista.
Pinangarap
niya ang araw na mawawala ang mga hari, punumbayan at alagad ng batas, ang
lahat ng tao’y magkakapantay-pantay at magtatamasa ng lubos na kalayuan at
patas na ginhawa sa buhay.
Nang
pilitin ng ama na umuwi sa kanilang bayan, siya’y sumunod. Subalit itinuro niya
sa mga kasama sa bukid at sa mga katulong sa bahay ang kanilang karapatan. Sa
galit ng ama, siya’y pinalayas at itinakwil bilang anak. Nagbalik siya sa
dating pinapasukan sa Maynila at hinikayat si Tentay na pumisan sa kanya kahit
di kasal, sapagkat tutol siya sa mga seremonyas at lubos na naniniwala sa
malayang pag-ibig.
Si
Delfin ay hindi anarkista kundi sosyalista. Hindi niya hinangad na mawala ang
pamahalaan ngunit katulad ni Felipe ay tutol siya sa pagkakaipon ng kayamanan
sa ilang taong nagpapasasa sa ginhawa samantalang libu-libo ang nagugutom,
nagtitiis at namamatay sa karalitaan. Tutol din siya sa pagmamana ng mga anak
sa kayamanan ng mga magulang. Siya’y isang mahirap na ulilang pinalaki sa isang
ale (tiya). Habang nag-aaral ng abogasya ay naglilingkod siya bilang manunulat
sa isang pahayagan. Kaibigan siya at kapanalig ni Felipe, bagamat hindi kasing
radikal nito.
Nais
ni Felipe ang maagang pagtatamo ng kanilang layunin, sukdang ito’y daanin sa
marahas na paraan, samantalang ang hangad ni Delfin ay dahan-dahang pag-akay sa
mga tao upang mapawi ang kamangmangan ng masa at kasakiman ng iilang mayayaman,
sa pamamagitan ng gradwal na pagpapasok sa Pilipinas ng mga simulain ng
sosyalismo.
Si
Don Ramon ay may dalawang anak na dalaga at isang anak na lalaking may asawa
na. Ang mga dalaga’y sina Talia at Meni. Si Talia ay naibigan ng isang abogado,
si Madlanglayon. Ang kasal nila’y napakarangal at napakagastos, isang bagay na
para kina Felipe at Delfin ay halimbawa ng kabukulan ng sistema ng lipunan na
pinangyayarihan ng mayayamang walang kapararakan kung lumustay ng salapi
samantalang libu-libong mamamayan ang salat na salat sa pagkain at sa iba pang
pangunahing pangangailangan sa buhay.
Sa
tulong ni Felipe noong ito’y nakatira sa bahay ni Don Ramon, nakilala at
naibigan ni Delfin si Meni. Si Don Ramon ay tutol sa pangingibig ni Delfin sa
kanyang anak; dahil ito’y maralita, at ikalawa, dahil tahasang ipinahayag nito
ang kanyang pagkasosyalista sa isang pag-uusap nilang dalawa sa isang paliguan
sa Antipolo. Ang pagtutol na ito ay walang nagawa. Nakapangyari ang pag-ibig hanggang
sa magbinhi ang kanilang pagmamahalan.
Nang
mahalata na ni Talia at ni Madlanglayon ang kalagayan ni Meni, hindi nila ito
naipaglihim kay Don Ramon. Nagalit si Don Ramon; sinaktan nito si Meni at halos
patayin. Sa amuki ni Madlanglayon, pumayag si Don Ramon na ipakasal si Meni kay
Delfin, Subalit nagpagawa ng isang testamento na nag-iiwan ng lahat ng
kayamanan sa dalawa niyang anak; si Meni ay hindi pinagmanahan.
Si
Meni ay nagtiis sa buhay-maralita sa bahay na pawid na tahanan ni Delfin.
Paminsan-minsan, kung mahigpit ang pangangailangan, nagbibili siya ng mga damit
o nagsasangla ng kanyang mga alahas noong dalaga pa. Ito’y labis na dinaramdam
at ikinahiya ni Delfin at ng kanyang ate, subalit wala naman silang maitakip sa
pangangailangan.
Sa
simula, si Meni ay dinadalaw ng dalawang kapatid, lalo na si Talia, at
pinadadalhan ng pera at damit. Subalit ang pagdalaw ay dumalang nang dumalang
hanggang tuluyang mahinto, ay gayon din ang ipinadadalang tulong. Samantala, si
Don Ramon, sa laki ng kanyang kahihiyan sa lipunan dahil sa kalapastangang
ginawa ni Meni at ni Delfin, ay tumulak patungong Hapon, Estados Unidos at
Europa, kasama ang isang paboritong utusan. Wala na siyang balak bumalik sa
Pilipinas. Nakalimutan niya ang pagwasak na nagawa niya sa karangalan ng
maraming babae na kanyang kinasama; ang tanging nagtanim sa kanyang isip ay ang
pagkalugso ng sariling karangalan sa mata ng lipunan dahil sa kagagawan ni
Meni.
Samantala,
nagluwal ng isang sanggol na lalaki si Meni. Sa pagnanais na makapaghanda ng
isang salu-salo sa binyag ng kanyang anak, susog sa mga kaugalian, si Meni ay
nagsangla ng kanyang hikaw, sa kabila ng pagtutol ni Delfin na tutol sa lahat
ng karangyaan. Ang ninong sa binyag ay si Felipe na hindi lamang makatanggi sa
kaibigan, subalit kontra rin sa seremonyas ng pagbibinyag. Bilang anarkista ay
laban siya sa lahat ng pormalismo ng lipunan. Sa karamihan ng mga pangunahing
dumalo, kumbidado’t hindi, ay kamuntik nang kulangin ang handa nila Delfin,
salamat na lamang at ang kusinero ay marunong ng mga taktikang nakasasagip sa
gayong pangyayari.
Ang
kasiyahan ng binyagan ay biglang naputol sa pagdating ng isang kablegrama na
nagbabalitang si Don Ramon ay napatay ng kanyang kasamang utusan sa isang hotel
sa New York. Nang idating sa daungan ang bangkay, sumalubong ang lahat ng
manggagawa sa pagawaan ng tabako sa atas ni Don Felimon, kasosyo ni Don Ramon,
na nagbabalang hindi pasasahurin sa susunod na Sabado ang lahat ng hindi
sasalubong.
Kasama
sa naghatid ng bangkay sa Pilipinas si Ruperto, ang kapatid ni Tentay na malaon
nang nawawala. Pagkatapos makapaglibot sa Pilipinas, kasama ng isang Kastilang
kinansalaan niya sa maliit na halaga, siya’y ipinagbili o ipinahingi sa isang
kaibigang naglilingkod sa isang tripulante. Dahil dito, nakapagpalibot siya sa
iba’t ibang bansa sa Aprika at Europa, at pagkatapos ay nanirahan sa Cuba at
California, at sa wakas ay namalagi sa New York. Doon siya nakilala at naging
kaibigan ng utusang kasama ni Don Ramon na naninirahan sa isang hotel na
malapit sa bar na kanyang pinaglilingkuran. Si Ruperto ang nagsabi kay Felipe
na kaya pinatay si Don Ramon ay dahil sa kalupitan nito sa kanyang kasamang
utusan.
Ang
libing ni Don Ramon ay naging marangya, kagaya ng kasal ni Talia. Hanggang sa
libingan ay dala-dala pa ng mayamang pamilya ni Don Ramon ang ugali ng
karangyaan ng pananalat at paghihirap ng maraming mamamayan. Sa libingan ay
Naiwan sina Delfin at Felipe na inabot ng talipsilim sa pagpapalitan ng
kuro-kuro at paniniwala.
Naalaala
ni Felipe ang kaawa-awang kalagayan ng mga kasama’t utusan ng kanyang ama.
Nasambit ni Delfin ang kawalang pag-asa para sa maralitang mga mamamayan habang
namamalagi sa batas ang karapatan ng mga magulang na magpamana ng yaman at
kapangyarihan sa mga anak. Nagunita nila ang laganap na kamangmangan at mga
pamahiin, ang bulag na pananampalataya. Kakailanganin ang mahaba at walang
hanggang paghihimagsik laban sa mga kasamang umiiral. Marami pang bayani ang
hinihingi ang panahon. Kailangang lumaganap ang mga kaisipang sosyalista, hindi
lamang sa iisang bansa kundi sa buong daigdig bago matamo ang tunay at lubos na
tagumpay. Napag-usapan nina Felipe at Delfin ang kasaysayan ng anarkismo at
sosyalismo – ang paglaganap nito sa Europa, sa Aprika, at sa Estados Unidos.
Sinabi ni Felipe na ang ilang buhay na napuputi sa pagpapalago ng mga ideyang
makamaralita ay kakaunti kung ipaparis sa napakamaraming tao na araw araw ay
pinahihirapan. Subalit matigas ang paninindigan ni Delfin laban sa ano mang
paraang magiging daan ng pagdanak ng dugo.
Sa
kabila ng pagkakaibang ito ng kanilang paninindigan ay nagkaisa sila sa
pagsasabi, sa kanilang pag-alis sa libingan, noong gumagabi na, “Tayo na: iwan
nati’t palipasin ang diin ng gabi."
Source.:http://filipino3zchs.multiply.com/journal/item/1/Banaag-at-Sikat-buod-ng-nobela?&show_interstitial=1&u=%2Fjournal%2Fitem
Pagninilay:
Sa akdang ito akoy natuwa sa mga nangyari dahil kahit na iba iba ang mithiin ng tauhan ay nagkaisa rin sila para sa ikakabuti. at naisip ko na hindi magandang gumawa ka ng hindi maganda sa kapwa mo dahil hindi ito magandang ugali.
Pagninilay:
Sa akdang ito akoy natuwa sa mga nangyari dahil kahit na iba iba ang mithiin ng tauhan ay nagkaisa rin sila para sa ikakabuti. at naisip ko na hindi magandang gumawa ka ng hindi maganda sa kapwa mo dahil hindi ito magandang ugali.
No comments:
Post a Comment