Sadyang
may mga taong malupit at mapang-api. Kung sino pa ang mahina at aba, siya pang
kinakaya-kaya.
Ang
gabi ay mabilis na lumatag sa mga gusali, lumagom sa malalaki't maliliit na
lansangan, dumantay sa mukha ng mga taong pagal, sa mga taong araw-araw ay may
bagong lunas na walang bias. Ngunit ang gabi ay waring manipis na sutla lamang
ng dilim na walang lawak mula sa lupa hanggang sa mga unang palapag ng mga
gusali. Ang gabi sa kalupaan ay ukol lamang sa dilim sa kalangitan sapagkat ang
gabi sa kalupaan ay hinahamig lamang ng mabangis na liwanag ng mga
ilaw-dagitab.
Ang
gabi ay hindi napapansin ng lalabindalawahing taong gulang na si Adong. Ang
gabi ay tulad lamang ng pagiging Quiapo ng pook na iyon. Kay Adong, ang gabi'y
naroroon, hindi dahil sa may layunin sa pagiging naroroon, kundi dahil sa
naroroon katulad ng Quiapo. Sa walang muwang na isipan ni Adong, walang
kabuluhan sa kanya kung naroon man o wala ang gabi- at ang Quiapo.
Ngunit
isang bagay ang may kabuluhan kay Adong sa Quiapo. Alisin na ang nagtatayugang
gusali roon, alisin na ang bagong lagusan sa ilalim ng lupa, alisin na ang mga
tindahang hanggang sa mga huling oras ng gabi'y mailaw at mabawasan ang mga
taong pumapasok at lumalabas doon, dahil sa isang bagay na hinahanap sa isang
marikit na altar. Sapagkat ang simbahan ay buhay ni Adong.
Kung
ilang hanay ang mga pulubing naroroon at mga nagtitinda ng tiket ng suwipistek,
ng kandila, ng kung anu-anong ugat ng punongkahoy at halaman. As sa mga hanay
na iyon ay nakatunghay ang simbahan, naawa, nahahabag. At nakatingala naman ang
mga hanay na iyon, kabilang si Adong. Hindi sa simbahan kundi sa mga taong may
puso pa upang dumukot sa bulsa at maglapag ng konting barya sa maruruming
palad.
Mapapaiyak
na si Adong. Ang tingin niya tuloy sa mga ilaw-dagitab ay parang mga piraso ng
apoy na ikinakalat sa kalawakan.Kangina pa siyang tanghali sa loob ng marusing
na bakuran ng simbahan, nagsawa na ang kanyang mga bisig sa wala pang tunog ng
katuwaan. Bagkus ang naroon ay bahaw na tunog ng babala. Babalang ipinararamdam
ng pangangalam ng kanyang sikmura at sinasapian pa ng takot na waring higad na
gumagapang sa kanyang katawan.
"Mama...
Ale, palimos na po."
Ang
maraming mukhang nagdaraan ay malalamig na parang bato, ang imbay ng mga kamay
at hiwatig ng pagwawalang-bahala, ang hakbang ay napapahalaga ng pagmamadali ng
pag-iwas.
"Palimos
na po, ale... hindi pa po ako nanananghali!"
Kung
may pumapansin man sa panawagan ni Adong, ang nakikita niya ay irap, pandidiri,
pagkasuklam. "Pinaghahanapbuhay 'yan ng mga magulang para maisugal."
madalas naririnig ni Adong. Nasasaktan siya, sapagkat ang bahagi ng pangungusap
na iyon ay untag sa kanya ni Aling Ebeng, ang matandang pilay na kanyang katabi
sa dakong liwasan ng simbahan.
At
halos araw-araw, lagi siyang napapaiyak, hindi lamang niya ipinahahalata kay
Aling Ebeng, ni kanino man sa naroroong nagpapalimos. Alam niyang hindi
maiiwasan ang paghindi sa kanya ng limang piso, sa lahat. Walang bawas.
"May
reklamo?" ang nakasisindak na tinig ni Bruno. Ang mga mata nito'y
nanlilisik kapag nagpatumpik-tumpik siya sa pagbibigay.
At
ang mga kamayy ni Adong ay manginginig pa habang inilaladay niya sa masakim na
palad ni Bruno ang salapi, mga baryang matagal ding kumalansing sa kanyang
bulsa, ngunit kailan man ay hidni nakarating sa kanyang bituka.
"Maawa
na po kayo, Mama.. Ale.. gutom na gutom na ako!"
Ang
mga daing ay walang halaga, waring mga patak ng ulan sa malalaking bitak ng
lupa. Ang mga tao'y naghihikahos na rin. Ang panahon ay patuloy na ibinuburol
ng karukhaan.
Ang
kampana ay tumutugtog at sa loob ng simbahan, pagkaraan ng maikling sandali,
narinig ni Adong ang pagkilos ng mga taong papalabas, waring nagmamadali na
tila ba sa wala pang isang oras na pagkakatigil sa simbahan ay napapaso,
nakararamdam ng hapdi, hindi sa katawan, kundi sa kaluluwa. Natuwa si Adong.
Pinagbuti niya ang paglalahad ng kanyang palad at pagtawag sa mga taong
papalapit sa mga taong sa kanyang kinaroroonan.
"Malapit
nang dumating si Bruno..." ani Aling Ebeng na walang sino mang
pinatutungkulan. Manapa'y para sa lahat na maaring makarinig.
Biglang-bigla,
napawi ang katuwaan ni Adong. Nilagom ng kanyang bituka ang nararamdamang
gutom. Ang pangambang sumisigid na kilabot sa kanyang mga laman at
nagpapantindig sa kanyang mga balahibo ay waring dinaklot at itinapon sa malayo
ng isang mahiwagang kamay. Habang nagdaraan sa kanyang harap ang mga taon
malamig, walang awa, walang pakiramdam-nakadarama siya ng kung anong bagay na
apoy sa kanyang kalooban. Aywan niya kung bakit gayon ang nararamdaman niya
matapos mapawi ang kanyang gutom at pangamba. Kungng ilang araw na niyang
nadara iyon, at hanggang sa ngayon ay naroroon pa't waring umuuntag sa kanya na
gumawa ng isang marahas na bagay.
Ilang
barya ang nalaglag sa kanyang palad, hindi inilagay kung inilaglag, sapagkat
ang mga palad na nagbibigay ay nandidiring mapadikit sa marurusing na palad na
wari bang mga kamay lamang na maninipis ang malinis, dali-daling inilagay ni
Adong ang mga barya sa kanyang lukbutan. Ilan pang barya ang nalaglag sa
kanyang palad. At sa kaabalahan niya'y hindi na napansing kakaunti na ang mga
taong lumalabas mula sa simbahan, makita na naman ni Adong ang mga mukhang
malamig, ang imbay ng mga kamay na nagpapahiwatig ng pagwawalang bahala, ang
mga hakbang ng nagmamadaling pag-iwas.
"Adong...
ayun na si Bruno" narinig niyang wika ni Aling Ebeng.
Tinanaw
ni Adong ang iniguso sa kanya ni Aling Ebeng. Si Bruno nga. Ang malapad na
katawan, ang namumutok na mga bisig. Ang maliit na ulong pinapangit ng suot na
gora. Napadukot si Adong sa kanyang bulsa. Dinama niya ang mga barya roon.
Malamig. At ang lamig na iyon ay waring dugong biglang umagos sa kanyang mga
ugat. Ngunit ang lamig na iyon ay hindi nakasapat upang ang apoy na
nararamdaman niya sa kangina pa ay mamamatay. Mahigpig niyang kinulong sa
kanyang palad ang mga baryang napagpalimusan.
"Diyan
na kayo, Aling Ebeng... sabihin ninyo kay Bruno na wala ako!" mabilis
niyang sinabi sa matanda.
"Ano?
naloloko ka na ba. Adong? Sasaktan ka ni Bruno. Nakita ka ni Bruno!"
Narinig
man ni Adong ang sinabi ng matanda, nagpatulog pa rin sa paglalakad, sa
simula'y marahan, ngunit nang makubli siya sa kabila ng bakod ng simbahad ay
pumulas siya ng takbo. Lumusot siya sa pagitan ng mga dyipni na mabagal sa
pagtakbo. Sumiksik siya sa kakapalan ng mga taong salu-salubong sa paglalakad.
At akala niya'y nawala na siya sa loob ng sinuot niyang mumunting iskinita.
Sumandal
siya sa poste ng ilaw-dagitab. Dinama niya ang tigas niyon sa pamamagitan ng
kanyang likod. At sa murang isipang iyon ni Adong ay tumindig ang tagumpay ng
isang musmos na paghihimagsik ng paglayo kay Bruno, ng paglayo sa Quiapo, ng
paglayo sa gutom, sa malalamig na mukha, sa makatunghay na simbahan, sa
kabangisang sa mula't pa'y nakilala niya at kinasusuklaman. Muling dinama niya
ang mga barya sa kanyang bulsa. At iyon ay matagal din niyang ipinakalansing.
"Adong!"
Sinunsan iyon ng papalapit na mga yabag.
Napahindik
si Adong. Ang basag na tinig ay naghatid sa kanya ng lagim. Ibig niyang
tumakbo. Ibig niyang ipagpatuloy ang kanyang paglayo. Ngunit ang mga kamay ni
Bruno ay parang bakal na nakahawak na sa kanyang bisig, niluluray ang munting
lakas na nagkakaroon ng kapangyarihang maghimadsik laban sa gutom, sa pangamba
at kabangisan.
"Bitiwan
mo ako! Bitiwan mo ako!" Naisigaw na lamang ni Adong.
Ngunit
hindi na niya muling narinig ang basag na tinig. Naramdaman na lamang niya ang
malupit na palad ni Bruno. Natulig siya. Nahilo. At pagkaraan ng ilang sandali,
hindi na niya naramdaman ang kabangisan sa kapayapaang biglang kumandong sa
kanya.
Pagninilay:
Nang aking mabasa ang kwento akoy nalungkot sa kalagayan at sa mga nangyari kay Adong Dahil sa isa syang pulubing bata na walang mga magulang na umaalaga sa kanya ako'y naawa sa kalagayan nya. kaya napag isip isip ko na kung ako ang nasakalagayan ni adong ay hindi ko makakaya kaya aking naisip na maswete ako dahil binigyan ako ni lord ng magandang buhay at hindi kagaya ng sa buhay ni adong kaya aking pahahalagahan ang mga taong nagaalaga sa akin.
Pagninilay:
Nang aking mabasa ang kwento akoy nalungkot sa kalagayan at sa mga nangyari kay Adong Dahil sa isa syang pulubing bata na walang mga magulang na umaalaga sa kanya ako'y naawa sa kalagayan nya. kaya napag isip isip ko na kung ako ang nasakalagayan ni adong ay hindi ko makakaya kaya aking naisip na maswete ako dahil binigyan ako ni lord ng magandang buhay at hindi kagaya ng sa buhay ni adong kaya aking pahahalagahan ang mga taong nagaalaga sa akin.
No comments:
Post a Comment